Ony Carcamo (Philippines)

Ventriloquist, Palanca Award-winning short story writer, playwright and poet 

Ang una kong pangarap ay ang maging professional magician. Ngunit ang paniwala ko noon ay hindi ito puwedeng maging career, baka hindi ako magkapera. Kaya nag-aral ako ng B.S. Engineering sa Mapua Institute of Technology. Habang nasa college, nahilig ako sa pagsusulat, kaya nakapag-sideline ako agad bilang sportswriter, scriptwriter sa telebisyon, at cartoonist. Pagka-graduate sa college, nagtuloy-tuloy ang trabaho ko sa pagsusulat sa mga diyaryo at magasin, kaya kinalimutan ko na ang aking natapos na kurso. Hanggang sa mapasok ako noong early 1990s sa advertising agencies bilang copywriter.

Sa panahong ito bumalik ang pagnanais kong maging professional magician. Kaso lang, sobrang marami nang Pinoy magicians noon, kaya naisip kong mag-isip ng ibang larangang medyo malapit sa magic.

Dito pumasok ang pagka -humaling ko sa ventriloqulsm. Sa paglilibot ko sa Robinson’s Galleria ay nakabili akong aklat ng ventriloquism, ang “Ventriloquist of Today” ni Paul Stadelman, sa novelty shop ng komedyanteng si Gary Lising. Dito ko natutuhan ang unang ventriloquism lessons ko. Noon ko rin sinimulang magtanghal sa mga kamag-anak ko’t kaibigan, pati sa aking officemates.

Pagkaraa’y naging kaibigan ko ang aktor at direktor na si Jun Urbano, na tulad ko’y nasa advertising industry. Naikuwento sa akin ni direk Banong (tawag namin sa kanya) ang pagiging ventriloquist ng ama niyang si National Arist for Film na si Manuel Conde. At ang papet daw nitong si Kiko ay ipinamana sa kanya noong nasa hayskul siya. 

Naging sobrang interesado lalo ako sa sining na ito. Nang muli kaming magkita ni Banong ay dala na niya si Kiko, at pinahiram at ipinauwi niya ito sa akin. Nilaro-laro ko sa bahay ang antigong papet, inalam kung paano ito napapagalaw, hanggang magdesisyon akong maging professional ventriloquist na. 

Mula noon ay naging mentor ko na sa ventriloquism si Banong, pati na rin ang isa ko pang kaibigan sa advertising, ang direktor na si Pegue Gallaga, na nanonood din ng shows ko.

Noong 2000 ay nagretiro ako sa advertising bilang Creative Direktor at nag-fulltime na sa pagtatanghal ng ventriloquism.

https://www.facebook.com/OnyCarcamoPuppetryShows/

Si Kuya Ony kasama si Sampaguita.